Monday, April 25, 2005
> (para sa panpil 17 report) RPG: Atari, Tamagochi, at Counter Strike/ Diablo sa Panahon nina Bayani Fernando at Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo
Round 1. FIGHT!
Ang pag-sikat o ang pagiging popular ng mga computer games--mula atari, hanggang tamagochi, hanggang sa role-playing games—ay hindi na kaila sa ating lipunan. Ang mga kabataan, pati na rin ang mga “feeeling bagets” ay nahuhumaling sa ganitong uri ng libangan. Panandalian tayong inaaliw ng anumang adventure na hatid ng isang laro sa kompyuter. Sa ganitong lagay, tila hinahayaan na lamang natin na maisantabi ang “tunay na adventure” sa ating lipunan: ang pagganap sa masasaya at masasalimuot na realidad ng buhay. Nakalulungkot kasi isipin na sa bawat spaceship na ating linulunan sa paga-Atari, naisasawalang-bahala natin ang pag-sakay at pag-sabay sa anod ng pag-ulad ng ating lipunan. Sa bawat pag-aalaga natin sa ating “virtual pet” sa Tamagochi, nalilimutan natin na ang dapat nating inaalagaan ay ang patuloy na pag-hubog sa mga mamamayan ng bansa. At sa bawat pakiki-tunggali natin sa larong Counter Strike o Diablo, nakakaligtaan natin ang tunay nating laban laban sa mga kasamaan sa lipunan, kabilang ang korupsyon sa gobyerno at ang ilang mga kaso ng paglabag sa karapatang-pantao. Marahil ay hindi rin natin masisisi ang ilan sa atin na ma-adik sa mga computer games sapagkat ang para sa kanila, mas may kabuluhan ang pagpunta sa dimensiyon na iniaalok ng mga computer games. Malamang kasi, ang mga taong ito ay sawang-sawa na sa pagiging bahagi ng isang lipunan na unti-unting nabubulok. Kung sabagay, ang lipunan nga naman ay kontrol na yata ng mga lider sa pamahalaan (Pangulong Arroyo at MMDA Chief Bayani Fernando) habang ang kumu-kontrol ng munti nilang mundo sa paglalaro ng computer games ay sila mismo.
Round 2. FIGHT!
Samantala, maihahalintulad din ang mga computer games na ito sa mga lider ng ating bansa. Tulad na nga ng nabanggit, sina Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo (PGMA) at MMDA Chief Bayani Fernanado (BF) ay ilan lamang sa mga pangunahing “characters” na mai-uugnay natin sa mga karakter ng mga computer games, partikular ang mga RPG. Tulad ng pangunahing bida sa Diablo, ang layon ng ationg mga lider ay “iligtas” at “paunlarin” ang lipunan na pinamumugaran na ng iba’t ibang uri ng kasamaan. Kung ang mga bidang ay may mga misyon upang maisakatuparan ang kanilang layon, ang mga lider naman natin ay naghahain ng mga programa na makatutulong (umano) sa ating bansa (nariyan, halimbawa, ang mga kampanya ni PGMA laban sa terorismo, droga, kurupsyon at iba pa habang si BF naman ay abala sa pagsasa-ayos ng trapik sa mga lansangan ng kalakhang maynila). Sa pakiki-baka ng ating bida sa RPG, kadalasan ay natatamo ang taggumpay. Ngunit may mga pagkakataon din na sumasablay. Kagaya ‘yan ng mga programa ng pamahalaan. Kung ang ilan ay tiyak na nakatutulong sa pag-unlad, ang iba naman ay nagiging pabigat lamang sa bansa (ang pagtaas ng presyo ng bilihin sa naka-ambang pagpataw ng dagdag na VAT habang nananatiling mababa ang sweldo ng mga empleyado’t manggagawa at ang pag-labag sa karapatang-pantao sa mararahas na dispersal sa mga manininda sa sidewalk). Isa pa, kung ang mga karakter sa RPG ay hindi minsan naiiwasan na maka-patay o maka-sakit ng mga sibilyan sa kanilang mga misyon, gayun din ang ating mga lider kung saan may mga pagkakataon na nadadamay at napapa-sama ang ilan nating kababayan sa kanilang pagpapatupad ng ilang mga programa (mga magsasakang nananatiling walang lupa at mga pedestrian na bigla na dati’y bigla na lamang mahahambalos ng higanteng basahan).
K.O.! YOU LOOSE.
Ito, at ilan pang mga pagkaka-ugnay ng mga computer games sa pamamahala ng mga lider sa ating bansa, ay patunay lamang na ang ating lipunan ay nananatiling “ikalawang realidad” para sa mga kapwa natin na nahuhumaling sa Atari (kung meron pa), Tamagochi (kung uso pa) at Counter Strike, Diablo at iba pang RPG (kung may pang-internet pa). Magising sana sila sa tunay na kalagayan ng lipunan bago pa mahuli ang lahat. Bago pa mag-GAME OVER.
Post a Comment